SK kagawad dinukot ng pulis
MANILA, Philippines - Nagmamaka-awa ang isang ama kay Manila Mayor Alfredo Lim at kay Manila Police District (MPD) director Chief Supt. Rodolfo Magtibay na tulungan silang makamit ang hustisya para sa pagkawala ng kanyang 19- anyos na anak na isa ring SK Kagawad na umano’y dinukot ng pulis Maynila kamakailan.
Kasama ang kanyang anim na anak, nagtungo si Victor Eusebio sa Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) upang manawagan kay Lim at Magtibay na matulungan silang makita ang kanyang anak na si Ron Michael Eusebio, graduating student ng Perpetual Help College na sinasabing dinukot umano ni PO2 Augusto Abiong, nakatalaga sa MPD District Police Intelligence Unit.
Batay sa pahayag ni Eusebio, pinaniniwalaang “pinatahimik” ni Abiong ang kanyang anak dahil sa tutol ito sa relasyon nito sa kanyang “step daughter”.
Ayon kay Eusebio, grabe ang kanilang hinanakit dahil hanggang sa ngayon ay wala pa ring nangyayari sa kaso kung saan nananatiling naka- duty si Abiong sa kabila ng kasong isinampa nila laban dito.
Sinabi ni Eusebio na malungkot nilang ipinagdiwang ang Pasko dahil hindi kumpleto ang kanilang pamilya kung saan Disyembre 26 naman ng magdiwang ng kanyang ika-19 kaarawan si Ron Michael.
Ngayon, unang araw ng taong Enero 2010, blanko pa rin sila kung nasaan si Ron Michael lalo pa’t itinatanggi ni Abiong na dinukot niya ang binatilyo.
Iginiit pa ni Eusebio na limitado ang kanilang kilos dahil alam nilang malakas ang kanilang kalaban.
Disyembre 4 pa noong huli silang magkita ng anak matapos na i-text at papuntahin umano ni Abiong sa kanilang bahay upang kausapin. Hindi naman umano niya akalain na ito ang sasapitin ng kanyang anak.
- Latest
- Trending