MANILA, Philippines - Nasawi ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) matapos barilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang mga holdaper matapos pumalag ang una sa mga huli sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-arrival sa Novaliches General Hospital sanhi ng tama ng bala sa sentido si Herminildo Acebuche, 52, ng Phase 4, Deparo ng lungsod.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya,naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi habang bumibili ng gamot ang biktima kasama ang asawang si Marichu sa TPM Pharmacy sa Cabatuan Road, Deparo nang lapitan ng mga suspek at magdeklara ng holdap.
Nang kukunin ng mga suspek ang bag ni Marichu ay biglang pumalag ang biktima na naging dahilan upang barilin ng isa sa mga suspek bago tumakas tangay ang bag ng ginang na naglalaman ng cellphone at hindi pa batid na halaga ng pera. (Lordeth Bonilla)