MANILA, Philippines - Nasawi ang isang tauhan ng isang tindahan ng manok makaraang saksakin ng hindi pa nakikilalang salarin na basta na lamang nanghihingi ng naturang paninda ngunit hindi napagbigyan kamakalawa ng gabi sa Barangay Tanong, Malabon City.
Sa inisyal na ulat, nakilala lamang ang nasawi sa alyas nitong Bornok, nasa hustong gulang, tagakatay ng manok sa Rey-Erlyn Live and Dressed Chicken na nasa loob ng Malabon Central Market sa F. Sevilla Blvd., Barangay Tanong.
Nagkakatay ng mga bagong deliber na manok ang biktima sa naturang puwesto para sa ititinda kinabukasan nang biglang sumulpot ang hindi nakilalang suspek na basta na lamang nanghingi ng manok para umano pampulutan.
Natural na tumanggi ang biktima ngunit nagbunot ng patalim ang salarin at sunud-sunod na inundayan ng saksak ang una at mabilis na tumakas.
May hinala ang pulisya na isa ring nagtatrabaho sa loob ng naturang palengke ang may kagagawan ng krimen na kanila na ngayong inaalam ang pagkakakilanlan. (Danilo Garcia)