MANILA, Philippines - Arestado ang umano’y pamangkin ng isang opisyal ng Philippine National Police kasama ang isa pa matapos bugbugin at paluin ng baril sa ulo ang isang call center agent dahil sa kalasingan sa Barangay Sacred Heart, lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga suspek na sina Mark Yanquiling, 24, binata, umano’y pamangkin ni Supt. Alejandro Yanquiling Jr. ng Manila Police District at residente sa #28-A, Masambong St., Zone 1, Castro Manila; at Mark Sta Cruz, 29, may-asawa, negosyante ng # 639 Allijon St., Tondo Manila.
Inaresto sila batay sa reklamo ni Raymond Puerto, 30, binata, ng #182 West Riverside St., Barangay San Antonio, Quezon City.
Samantala, nagreklamo rin ang kapatid ni Raymond na si Ryan, 29, makaraang makatikim ng sapak mula kay Yanquiling habang nasa loob ng himpilan ng Station 10 ng Quezon City Police District.
Nangyari ang insidente sa may Timog Avenue harap ng Holywood night club sakop ng Sacred Heart bandang alas-5:00 ng madaling-araw.
Sakay ng kanyang Mitsubishi Lancer (TBB-357) si Raymond papauwi mula sa pinagtatrabahuhang Dell Phils. call Center sa Eastwood, Pasig nang madaanan niya si Yanquiling na lasing at nagkakalat ng basura sa lugar.
Ayon kay Raymond, dahil sa pagwawala ni Yaquiling ay dahan-dahan niyang pinatakbo ang sasakyan hanggang sa harangin siya nito at hampasin ang hood ng kanyang kotse.
Hindi pa umano nasiyahan si Yanquiling at puwersahang binuksan nito ang pinto ng sasakyan ni Raymond saka hinatak ito papalabas at pinagsusuntok sa mukha.
Dahil may kalakihan din ang katawan ni Raymond, nagawa niyang maibabawan si Yanguiling ngunit sumulpot naman si Santa Cruz na may hawak ng hindi mabatid na kalibre ng baril at pinalo ang una sa ulo habang ang isa pang kasamahan nito na hindi natukoy ay pinagsusuntok siya sa katawan.
Matapos ang pananakit ay nagsipagpasok ang mga suspek sa loob ng isang Tattoo shop malapit sa naturang club at doon nagtago.
Si Raymond na umaagos na ang dugo sa ulo ay mabilis na tumawag ng saklolo sa himpilan ng Station 10. (Ricky Tulipat)