MANILA, Philippines - Sa gitna na rin ng kasayahan sa mismong araw ng pagdiriwang ng Pasko at ika-55 kaarawan ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, nilooban ng hindi nakilalang mga kawatan ang PNP Press Corps Office sa Camp Crame, Quezon City, ayon sa ulat kahapon.
Ang nakawan ay nadiskubre dakong alas-8 ng umaga kahapon ni Dominador “Mang Entong” Arnaldo, janitor/striker ng PNP Press Corps.
Ayon kay Mang Entong, nagulat na lamang umano siya ng makitang putol ang mga kable at nawawala na ang television set at ang audio video equipment sa briefing area ng PNP Press Corps.
Sa panig ni PO3 Lauro Salazar, duty officer ng mangyari ang insidente, hindi umano niya napansin ang nakawan dahilan nasa itaas siya at nakasara ang pinto sa PIO kung saan nasa ibaba lamang nito ang pinagnakawang briefing area ng mga mediamen na nagko-cover sa PNP.
Malapit rin ang naturang tanggapan sa headquarters ng Base Police ng Camp Crame na kabilang sa mga nangangalaga ng seguridad sa punong himpilan ng PNP.
Ang insidente ng naturang nakawan sa loob ng Camp Crame ay hindi unang pagkakataon kung saan madalas na magsamantala dito ang mga bukas kotse gang.
Ilang linggo lamang ang nakalilipas ay isang 10 -anyos na batang lalaki ang nahuling may hawak na mga susi at aktong binubuksan ang behikulo ng isa sa mga staff ni PNP-Police Community Relations Group (PNP-PCRG) Director P/Chief Supt. Nicanor Bar tolome.
Nabatid na ilang beses na ring nagsamantala ang mga kawatan sa nasabing tanggapan kung saan ultimong ang mga compact disc memory sa mga computer ay pinag-iinteresan pang nakawin.
Ilang mga reporter rin ang nawalan ng baril, pera, cellphone at laptop sa nasabing working area at maging sa parking lot. (Joy Cantos)