1 PATAY, 3 SUGATAN: Pamilya inatado ng kapitbahay
MANILA, Philippines - Patay ang isang binata habang nasa kritikal na kondisyon naman ang tatlo pa niyang kaanak kabilang ang kanyang ina matapos na pagsasak sakin ng isa nilang kapitbahay na nagwala, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng saksak sa dibdib si Leonardo Tatoy, 24, ng Gen. San Miguel St., Buklod ng Nayon ng lungsod na ito.
Inoobserbahan naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil din sa mga saksak sa tiyan ang ina nitong si Divina, 42. Sugatan din sa insidente sina Gina Canones, 34; at Teofilo Cañedo, 79.
Pinaghahanap naman ng mga pulis ang suspek na si Noe Sabalsa, 41, at kapitbahay ng mga biktima.
Base sa ulat ng Caloocan City Police, alas-7:20 ng gabi, kinompronta ni Leonardo ang lasing na suspek sa tapat ng kanilang bahay dahil sa ginawang pambubugbog ng huli sa isang pamangkin nito na hindi na binanggit ang pangalan.
Nagalit ang suspek at nagbunot ng patalim bago inundayan ng saksak si Leonardo. Tinangka ng iba pang biktima na awatin ang suspek subalit maging ang mga ito ay hinalihaw din ng saksak ni Sabalsa. Matapos magbagsakan ang mga biktima, mabilis na tumakas ang suspect dala ang gamit na patalim.
Agad namang dinala ang mga biktima sa mga nabanggit na ospital pero nasawi rin si Leonardo.
- Latest
- Trending