MANILA, Philippines - Nadakip ang apat na miyembro ng isang holdup gang, kabilang ang isang aktibong pulis, isang driver umano ng chief of police ng Pampanga at 2 pang kasamahan, na pawang armado ng mga baril habang nagpaplano ng panghoholdap sa tapat ng Bureau of Internal Revenue (BIR) building, Anda Circle, Bonifacio Drive, Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ang mga nadakip na sina PO1 Richard Tiamzon, 32, nakatalaga sa Angeles City (Pampanga) Police Station; Johnny Sioco alyas “John”, 43, ng Magsaysay Village, Tondo, Maynila; Clemente Cervantes alyas “Enteng” 32, ng Kabulusan St., Caloocan City at ang sinasabing driver ng chief of police sa Masantol Pampanga na si Christian Viray alyas “Cris” at “Archie”, 29, ng Angeles City.
Nakumpiska sa mga ito ang isang Glock caliber .40; caliber .45; Squires Bingham .38 caliber revolver at isang caliber .38 revolver “paltik” na pawang kargado ng bala at extra magazines ng bala; packaging tapes, na hinihinalang gagamitin sa tinatarget na holdapan; isang (1) unit Galant V6 na kulay gray na may plakang TMN-318, na sinasabing pag-aari ng isang police colonel ng Floridablanca, Pampanga.
Sa beripikasyon sa Land Transportation Office (LTO), hindi pa umano nare-renew ang registration ng kotse sa unang may-ari na isang Alvin Valerio ng Yakal St. na huling nairehistro noong 2008.
Sa ulat ni C/Insp Nicolas Pinon, hepe ng Intelligence Operations ng DSPU, isang tawag ang kanilang natanggap hinggil sa presensiya sa Bonifacio Drive ng nasabing sasakyan, na may lulang apat na lalaki, na kahina-hinala ang kilos at may mga sukbit pang baril.
Agad namang nagtungo sa erya ang grupo ni Maj. Pinon. Napuna naman ni PO2 Manuel Pimentel at PO3 Edgardo Perez na nakalabas ang baril ni Viray habang naninigarilyo at nakahimpil ang sasakyan kaya unang sinita at hinanapan ng rehistro ang sasakyan.
Dahil sa kabiguang magprisinta ng mga kaukulang papeles ay inimbitahan sila sa himpilan ng pulisya at agad na sinampahan ng kasong paglabag sa Traffic Violation of Delinquent Registration at paglabag sa Presidential Decree 1866 (amended by RA 8294) Illegal Possession of Firearms and Live Ammunitions kay Assistant City Prosecutor Marilou Villanueva.
Sa ulat, ang grupo ay patungo sana sa Batangas City upang holdapin ang isang negosyanteng magba-baboy at ang planong holdap ay may ‘basbas’ umano ng isang police co lonel at isang police major.