MANILA, Philippines - Magpa-Pasko sa kalsada ang ilang mga traffic enforcer ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos na ilagay sa alerto ang kanilang puwersa upang mabantayan ang daloy ng trapiko ngayong Kapaskuhan.
Sa inilabas na “holiday traffic scheme” ni Chairman Oscar Inocentes, pinahaba ang oras ng trabaho ng mga enforcers ng hanggang hatinggabi o kung kakailanganin ay maaaring umabot ng alas-2 ng madaling araw.
Karaniwang ang dalawang shift ng mga enforcers sa kalsada ay mula alas-6 am- 2pm at 2pm-10pm ngunit pinalawig ito ngayong panahon ng Kapaskuhan. Inaasahan na magiging masikip na rin ang daloy ng trapiko dahil sa mga maghahabol ng bibili ng panregalo o iyong mga nagki-Christmas rush.
Nakaalerto naman ng 24 na oras ang mga tauhan ng Rescue and Road Emergency Group upang makaresponde agad sa anumang uri ng aksidente o trahedya na maaaring maganap habang nagmamadaling makapunta sa kanilang kaanak o makauwi ang mga motorista.
Sinabi naman ni Traffic Operations Center executive director Angelito Vergel de Dios na nagdagdag pa sila ng 500 enforcers buhat sa dating 2,000 tauhan ngayong Kapaskuhan. Kabilang din sa kanilang babantayan ang mga inaantok na mga motorista na kanilang pipiliting parahin at patabihin upang maiwasan ang mga aksidente. (Danilo Garcia)