MANILA, Philippines - Aabot sa 26 bricks ng cocaine na nalambat ng mga mangingisda sa karagatan ng Eastern Samar ang narekober na ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kahapon.
Ayon kay PDEA director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago, ang 20 sa nasabing droga ay narekober ng PDEA regional Office 8 mula sa mga mangingisda sa Brgy. Minaanod, Llorente, Eastern Samar makaraang maispatan nila itong pa lutang-lutang sa karagatan dito.
Bukod dito ang anim na bloke pa ng cocaine na nasabat naman ng iba pang mangingisda sa na sabing lugar at naisuko na sa tanggapan ng Municipal Police Station.
Sinabi ni Santiago, ang tropa ng PDEA-RO8 ay gumamit pa ng helicopter ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bago makuha ang nasabing mga droga.
Ayon sa ulat, naglalayag sa nasabing karagatan ang mga mangingisda nang maispatan nila ang bloke-blokeng bagay na naka-plastic habang palutang-lutang sa dagat sa nasabing lalawigan nitong Martes ng umaga. Agad na iniahon ng mga mangingisda ang mga plastic at ipinagbigay alam sa mga awtoridad kung saan nabatid na ang mga ito ay cocaine.
Sinasabing galing ang nasabing droga sa South Amerika na ibibiyahe sana patungong Hong Kong nang ihagis ng sindikato sa karagatan matapos na matiktikan ang mga ito ng awtoridad sa Hong Kong.
Sa ngayon, patuloy na ginagalugad ng mga otoridad ang naturang karagatan para sa posibleng mga natitira pang mga droga dito.
Ang nasabing droga ay nasa pangangalaga ngayon ng nasabing ahensya para sa kaukulang disposisyon. (Ricky Tulipat)