Dambuhalang bato, shabu pala
MANILA, Philippines - Isang malaking tipak na shabu na naging literal na bato at tumitimbang ng aabot sa 100 kilograms ang narekober ng tropa ng Philippine Drug Enforcement Agency habang nakaimbak sa gilid ng daan sa lalawigan ng Aurora Province, ayon sa ulat kahapon.
Sinabi ni PDEA director Senior undersecretary General Dionisio Santiago sa panayam ng mga reporter sa kanyang tanggapan sa Quezon City na ang nasabing droga ay narekober ng pinagsanib na elemento ng Task Group Alpha, North Luzon Area Unified Cluster sa pamumuno ni Task Group Bravo PDEA Regional Office 3 Director Roberto S. Opeña.
Nakumpiska ang nasabing droga na mistulang bato na sa tigas at nangingitim habang nakasilid sa sako makaraang magsagawa ng anti-drugs interdiction operation ang tropa sa may Brgy. Matawe, Dingalan, Aurora kamakalawa ng gabi.
Sinabi ni Santiago na isa umanong politiko na kasalukuyang nakaupo sa puwesto ang may kinalaman sa nasamsam ng shabu. Dati na umano itong nakasuhan subalit nakalusot din dahil sa impluwensya.
Malaki ang hinala ng heneral na umpisa na rito ng tinatawag na Narco-politics lalot papalapit na ang eleksyon.
Ang droga na may market value na P640 milyon ay maari pa umanong pumuti kapag inilagay sa isang uri ng kemikal.
- Latest
- Trending