Caretaker tinarakan sa dede ng bisita ng boarder
MANILA, Philippines - Naospital ang isang 25-anyos na babaeng caretaker ng isang boarding house matapos saksakin sa mismong dede ng isang desperadong bisita ng isang lady boarder sa Malate, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Nilalapatan ng lunas ang biktimang si Nerzen Nerza, may-asawa, caretaker ng apartment sa 919 F. Belmi St., Malate, Manila.
Nakapiit na sa Manila Police District-Station 5 ang suspek na si Renante Barao, 27, binata, factory worker at residente ng Block 41 Martinez St., Mandaluyong City.
Sa ulat ni SPO4 Cenon Parungao, dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng nasabing apartment.
Dumating umano ang suspek sa apartment at hinahanap ang dating nobyang kinilalang si “Glaiza” na boarder ng apartment. Subalit hindi siya pinapasok ng biktima dahil hindi pa dumarating ang kanyang sadya.
Nagalit umano ang suspek at hindi naniniwalang wala pa sa apartment ang dating nobya kaya inilabas ang dalang patalim at inundayan ng saksak ang biktima na tumama sa kanang dede nito.
Nasaksihan ito ng iba pang boarders kaya agad humingi ng responde sa mga barangay tanod sa lugar na nagresulta sa mabilis na pagkakaaresto ng suspek.
Idinahilan ng suspek na nagtungo siya sa apartment upang makipagbalikan sa dating nobya.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide at conceling of deadly/bladed weapon ang suspek. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending