Binata nagselos sa text ng gf, nagbaril sa sarili
MANILA, Philippines - Nasawi matapos magbaril sa sarili ang isang 21 anyos na binata matapos magselos sa nabasang text message sa cellphone ng kaniyang nobya sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay nang madala sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Edison Roldan, welder, ng 171 A.H. Lacson St., Tondo bunga ng tama ng bala sa sentido.
Sa ulat ni Det. Gerry Amores ng Manila Police District-Homicide Section, dakong 8:20 ng gabi nang magpakamatay ang biktima ilang minuto matapos makaalis ang nobyang si “Nicka”, 21, estudyante ng Lyceum University, sa bahay ng biktima.
Ayon pa sa ulat, sinabi umano ni Eduardo Roldan, 52, ama ng biktima, na dumating sa kanilang bahay si Nicka. Nag-usap ang magkasintahan sa kuwarto ng biktima pero nagkaroon ng pagtatalo ang mga ito kinalaunan.
Nang lumabas na ang nobya sa kuwarto ni Roldan ay nagpaalam na ang babae na uuwi na.
Pagkaraan ng ilang saglit, nakarinig na umano ang ama ng biktima ng putok ng baril kaya agad na inalam ang kuwarto ng anak kung saan nakitang nakahiga at duguan ang sentido nito.
Nadiskubre rin na ang pinagtatalunan ng biktima at ng nobya nito ay ang nabasang text ng una sa cellphone ng nobya na mula sa isa umanong manliligaw. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending