Sa masamang tingin:Estudyante pinatay sa loob ng eskuwelahan
MANILA, Philippines - Nakikipag-ugnayan ang Manila Police District-Homicide Section sa pamunuan ng San Sebastian College kaugnay sa pagkamatay ng isang second year college student nito na sinaksak sa loob ng campus ng kapwa nito estudyante sa Quiapo, Maynila kamakalawa ng umaga.
Natuluyang bawian ng buhay sa Mary Chiles Hospital ang biktimang si Cromwel Duka Jr., 20-anyos, Business Management student, at residente ng 320-A Inquimboy St., Pasay City bunga ng pananaksak.
Naaresto ang suspek na si Romeo Ephraim Lim, 20, binata, 2nd year Hotel and Restaurant Management student ng 41 P. Gomez St., Mandaluyong City.
Sa imbestigasyon ni Det. Richard Lumbad ng MPD-Homicide Section, dakong-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa kantina ng nasabing kolehiyo sa Claro M. Recto Ave., Quiapo, Maynila.
Nagkasamaan umano ng tingin ang dalawa hanggang sa nagkainitan sa komprontasyon subalit naawat din.
Hindi nagtagal ay nakita na lamang na nakahandusay na duguan na ang biktima at may apat na saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Agad isinumbong ng janitor umano ng canteen ang insidente sa mga secu rity guards ng paaralan kaya nang papalabas ng gate ang suspek ay pinigil na ito at inaresto.
Nang dalhin sa pulisya, itinanggi ng suspek na siya ang sumaksak sa biktima at inamin lamang na tinadyakan niya ito. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending