MANILA, Philippines - Ikinabahala ng mga opisyal ng Manila City hall ang pagdami ngayong Kapaskuhan ng mga batang nangangaroling at namamalimos sa mga kalsada na lubhang mapanganib sa mga ito.
Ayon kay City Administrator Jesus Mari Marzan, nakikipag-ugnayan na ang kanilang Manila Social Welfare Department sa national government upang mapigilan ang paglaganap ng mga nangangaroling at namamalimos na mga batang nasa edad 10-anyos pababa.
Sinabi ni Marzan na nakalulungkot ang ganitong sitwasyon subalit gumagawa pa rin ng paraan ang pamahalaang-lunsod sa pamamagitan ng pagkuha sa mga ito at dinadala sa MSWD na pinamumunuan ni Jay dela Fuente.
Iginiit ni Marzan na ang mga magulang ang may responsibilidad sa mga batang namamalimos dahil hindi dapat na pinababayaan ang kanilang mga anak sa lansangan.
Nabatid naman kay dela Fuente na pansamantala nilang kinukupkop ang mga batang namamalimos at nangangaroling sa Reception and Action Center at pinakakain at saka ipatatawag ang mga magulang at kakausapin hinggil dito.
Inamin ni dela Fuente na paulit-ulit na lamang ang problema dahil mismong mga magulang ang siyang nag-uutos sa kanilang anak na mamalimos at mangaroling.
Bagama’t may ordinansa para dito, hindi naman ito mahigpit na maaaring ikabawas ng mga namamalimos. (Doris Franche)