Bisor lasog sa 2 sasakyan
MANILA, Philippines - Patay agad ang isang supervisor matapos na salpukin umano ang minamaneho nitong motorsiklo ng isang rumaragasang pampasaherong bus saka muling mabundol ng isa pang kotse habang tinatahak ang kahabaan ng Edsa sa lungsod Quezon kamakalawa.
Ayon sa ulat ng Traffic Sector 6 ng Quezon City Police, dead-on-the-spot sa lugar si Gerardo Teongson,44, supervisor ng Samsung at residente ng Road 10, Bagong Pag-asa sa lungsod.
Patuloy naman ang pangangalap ng impormasyon ng awtoridad upang matukoy ang nakabundol na bus na mabilis na humarurot makaraang ang nasabing insidente.
Samantala ang driver naman ng Nissan Sentra (TYG-885) na nakahagip din sa biktima ay nasa kustodiya na ng pulisya at ito ay kinilalang si Mario Ujano, 41.
Naganap ang insidente sa may kahabaan ng Edsa, partikular sa Quezon Avenue Flyover sa lungsod pasado alas-9 ng gabi.
Diumano, tinatahak ng biktima sakay ng kanyang motorsiklong Honda MC-TMX (NA-8227) ang nasabing lugar nang bundulin ito ng pampasaherong bus.
Sa pagkakabundol sa motor ng biktima, ay nagpagewang-gewang ito hanggang sa mabundol muli ng Nissan Sentra bago tuluyang bumalandra ang katawan nito sa bangketa. Dahil sa matinding impact, nagkalasug-lasog ang katawan ng biktima na siyang agad na ikinamatay nito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending