Ilegal na pagsasara sa kalsada sa Binondo, iimbestigahan ng konseho
MANILA, Philippines - Nakatakdang imbestigahan ng Konseho ng Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng isang fact-finding committee na pangungunahan ni Manila 1st District Councilor Arlene Koa, Chairman ng Committeee on Transportation and Parking ang pagkakasara ng mga kalsada sa lugar ng Binondo, dulot sa itinatayong bagong malls at condominiums malapit sa sikat na 168 Malls at 11/88 Wholesale Shopping Malls sanhi ng dagsang reklamo ng mga negosyante at motorista sa naturang lugar.
Ayon kay Koa, ang fact-finding committee na sisiyasat sa pagkakasara ng mga kalsada gaya ng Sta. Elena, Felipe 11, at Meisic at dalawang iba pa ay pawang mga city streets. Ang naturang mga kalsada ay isinara sa publiko noon pang Agosto at Setyembre upang bigyang daan ang konstruksiyon ng 33rd floor Twin Tower Condominium.
Iginiit ng Konsehala na labag sa batas ang pagpapasara ng anumang city streets sa Lungsod ng walang kaukulang aprubasyon mula sa City Council.
Nakarating kay Koa ang sumbong ng maraming negosyante at motorista na naapektuhan sa konstruksyon dahil sa hindi makapasok ang kanilang komersyo at produkto na tagusan patungo sa 168 malls at 11/88 Wholesale Shopping malls (dating Meisic Malls). Ang kinatitirikang lupa ay mula dalawang dating eskwelahan na giniba at ibinenta noon ni dating Manila Mayor Lito Atienza – ang Jose Abad Santos HS at Rajah Sulayman HS.
Nabatid na wala rin koordinasyon mula kay Supt. Rizaldy Yap ng Manila Traffic District and Enforcement Office ang pagkakasara ng mga nabanggit na kalsada na sanhi ng pagkakabuhul-buhol ng trapiko. Sa panig ni Engr. Melvin Balagot, chief ng City Building Office, binigyan nila ng dalawang buwan notice ang contractors upang isaayos agad ang kontruksiyon sa lugar upang mabuksan ang kalye bago pa man mag-Pasko.
- Latest
- Trending