MANILA, Philippines - Nabulabog ang ilang establisyemento sa paligid ng Union Bank sa lungsod Quezon matapos na sumugod ang buong tropa ng Police Station 2 bunga ng tawag na may nagaganap na bank rob bery dito kahapon.
Dahil sa sinasabing “on going bank robbery” at nasa loob pa ang mga suspek, sinimulang palibutan ng mga awtoridad ang paligid ng Union Bank Examiner na matatagpuan sa West Avenue, Brgy. West Triangle para sa posibleng pag-atake, ngunit matapos ang ilang minuto ay napag-alamang isa lamang itong false alarm.
Ayon kay PO1 Orlando Medico, desk officer ng PS2 ng QCPD, dahil sa maling pindot ng alarma ng bangko, nagdulot ito ng bahagyang komosyon sa nasabing lugar bunga na rin ng mabilisang aksyon na ginawa ng kanilang tropa para mahuli ang sinasabing mga bank robbers.
Nabatid kay Medico na nag-ugat ang maling alarma nang magsagawa ng test alarm ang main branch ng nasabing bangko na matatagpuan sa Scout Albano at makarating sa Union Bank sa nasabing lugar.
Ayon kay Medico, hindi nakipag-coordinate ang branch manager ng banko nang isagawa ang test alarm kung kaya nagtulak na ilang depositor ang naalarma nang marinig ito at ipagbigay- alam sa mga awtoridad.
Pasado alas-12 ng tanghali nang makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen ang PS2 hingil sa bank robbery na nagaganap sa may nasabing bangko.
Kahit palpak ang alarma, natuwa naman ang pamunuan ng QCPD sa pangyayari dahil kahit papaano ay mabilis ang naging pagresponde nila dito, at sanhi naman para magsagawa ng pagsisiyasat sa iba pang establisimento dito. (Ricky Tulipat)