MANILA, Philippines - Patay sa mga rumespondeng mga tauhan ng Manila Police District-station 1 ang isang 29-anyos na lalaking kabilang sa grupo ng nangholdap sa isang pampasaherong dyip, sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Isinugod pa sa Gat Andres Bonifacio Hospital ni PO1 Ryna Bagadiong si Christopher Gonzales, binata, pedicab driver ng Antonio Aurora Rivera St., Tondo, subalit agad ring binawian ng buhay bunga ng tinamong 3 bala sa katawan.
Kabilang naman sa grupo ng rumespondeng mga pulis sina PO3 Roel Young; PO2 Rommel Sese,; PO1 Nonito Binayug at PO1 Anthony Fernandez at si Bagadiong na nagdala sa ospital.
Sa imbestigasyon, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang palitan ng putok sa pagitan ng suspek at miyembro ng MPD sa panulukan ng Juan Luna at Lorenzo Chacon St., Tondo.
Sa naging pahayag naman ng driver ng dyip na si Victor Labe, habang binabagtas niya ang Raja Matanda Sts., Tondo ay nagdekalara ng holdap ang grupo ni Gonzales at sinamsam ang mga pera, alahas, cellphone at mahahalagang gamit na kanyang mga pasahero at pagkatapos ay mabilis na tumalon ng dyip ang apat na suspek.
Naglakad lamang umano papalayo ang mga suspek kaya nang mamataan ng mga biktima ang nagpapatrulyang mga pulis ay isinumbong ang insidente at tinugis ang mga suspek.
Inabutan pa ng mga pulis ang mga suspek habang naglalakad sa Juan Luna St., Tondo at nang sitahin ay nagtakbuhan kaya’t pinaputukan sila nga pulis habang gumanti rin ang mga ito ng putok.
Nakatakas ang ilan sa mga suspect habang si Gonzales ay minalas na tamaan. (Ludy Bermudo)