Car blast: Trader utas

MANILA, Philippines - Nasunog ang katawan ng isang negosyanteng Tsinoy ma­karaang sumabog ang kanyang sinasakyang kotse habang papasok sa parking area ng isang establisimento sa Global City sa Fort Boni­facio, Taguig City kahapon ng tanghali.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Remigio Ang, 60, may-ari ng isang stall sa loob ng Serendra Mall sa 11th Avenue ng Global City.

Sa inisyal na imbesti­gasyon, naganap ang pag­sabog sa bukana ng entrada ng parking area ng Serendra mall pasado alas-12 ng tang­hali kahapon. 

Sakay ang biktima ng kan­yang lumang modelo ng Honda Civic (TNM-865) nang bigla itong sumabog.

Ayon sa mga nakasaksi, nakarinig sila ng malakas na pagsabog kung saan nakitang bigla na lamang nagliyab ang naturang kotse. Sinasabing pababa sana sa parking area ang kotse nang sumabog ito.

Bagama’t kasama sa ka­nilang imbestigasyon, sinabi ni Taguig City police chief, Sr. Supt. Camilo Cascolan na mahina ang teorya na isang uri ng terorismo ang naga­nap. Ayon sa pulisya, na­sunog ang katawan ni Ang at kung bomba umano ang su­mabog ay maaaring nagka­gutay-gutay ito.

“Base sa inisyal na find­ings ng Explosives and Ordi­ nance Team, nagkaroon ng continuous combustion.  There is no laceration on the body of the victim caused by shrapnel or hi-velocity ma­terials conse­quent to bomb explosion.  We have ruled out bomb explo­sion,” ani Cascolan.

Isa sa teoryang tinututu­kan sa imbestigasyon ang posibleng pagkakaroon ng problema sa electrical wiring o maging sa makina na ma­aaring dahilan ng pagsabog.

Show comments