MANILA, Philippines - Hindi na nailigtas ng kanyang mga kaanak sa kamatayan ang isang 20-anyos na dalaga na sinasabing may kapansanan sa pag-iisip matapos na makulong sa nagliliyab nilang bahay, kahapon ng tanghali sa Las Piñas City.
Nakilala ang nasawi na si Criselda Amores, naninirahan sa natupok na bahay sa may Block 1 Lot 5 Gloria Compound, Pilar Village, ng naturang lugar.
Sa ulat ng Las Piñas Fire Department, sumiklab ang apoy sa bahay ng magka-live-in na sina Neal John Torres at Jennelyn Regalado dakong alas-11:37 ng gabi at mabilis na kumalat sa mga karatig bahay kabilang na ang bahay ng pamilya Amores.
Nabatid na natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay ang biktima nang maiwanan ng kanyang mga kaanak na mabilis na nakalabas ng kanilang bahay.
Umabot sa ikalawang alarma ang sunog kung saan may 15 bahay ang natupok. (Danilo Garcia)