MANILA, Philippines - Matapos hiwalayan ng kanyang boyfriend nagbigti ang isang 17 -anyos na dalagita sa lungsod Quezon kamakalawa ng gabi.
Si Melisa Cinco, tubong Tacloban ay naabutan na lamang ni Jocelyn Hermocilla habang nakabitin sa kisame ng comfort room ng tinutuluyan nilang bahay sa may # 5 Elwood St., Balara Filter, Brgy. Pansol sa lungsod pasado alas-7 ng gabi.
Ayon sa ulat, ang labis na depresyon ang nagtulak sa biktima kung kaya nagpakamatay ito, bunga na rin ng kalungkutan matapos na mag-break ng kanyang kasintahan.
Samantala, dahil sa pinagbawalan umano ng kanyang mister na makipag-chat, isang ginang ang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagtungga ng isang bote ng silver cleaning solution sa Malabon City kahapon.
Nakilala ang nasawi na si Mary Jane Ponce, 27, ng Sapa Brgy. Panghulo ng lungsod na ito.
Nakita rin sa cellphone ng biktima ang mga katagang “hanggang d2 na lamang cguro ako, wag kaung iiyak ha, mahal ko kau lahat”.
Nabatid na madalas magtalo ang biktima at ang mister nito na hindi nakuha ang pangalan , dahil pinagbabawalan ng lalaki si Mary Jane sa pakikipag-chat. (Ricky Tulipat at Lordeth Bonilla)