Probe sa sinirang streamer nina Cory at Ninoy inutos

MANILA, Philippines - Inatasan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang District Special Projects Unit na imbestigahan at tukuyin ang mga taong sumira sa may 20 streamers na may larawan ng mga mukha nina dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. at ni dating Pangulong Corazon Aquino sa kahabaan ng P. Burgos St., Ermita, Maynila kamakalawa ng madaling araw.

Umapela din ang alkalde sa mga na­ ka­saksi na ituro ang grupong ito na posibleng pinakikilos ng ilang indibidwal na may maruming laro sa pulitika.

Isang Edwin Mendoza, auto mecha­nic, ang nakapagsabi na noong Sa­bado, naghihintay siya ng kustomer nang ma­kita niya sa panulukan ng P. Burgos St. malapit sa panulukan ng Ma. Orosa St. ang may anim na lalaking pumipilas sa naturang mga streamers. Matapos umano ang pagsira ay nag­lakad lamang patungo sa naghihintay nilang sasakyan ang mga suspek sa may A. Bonifacio Drive sa Port Area. (Ludy Bermudo)

Show comments