Nagpatulong kahapon kay Manila Mayor Alfredo Lim ang isang ama na nagreklamo sa pag kawala ng kanyang 18 anyos na anak na pinaniniwalaang “pinatahimik” ng isang pulis-Maynila dahil sa pagtutol nito sa relasyon ng biktima sa “stepdaughter” ng naturang pulis noong Biyernes sa Sampaloc, Maynila.
Inatasan naman ni Lim si P/Supt. Alex Guttierez, hepe ng Manila Police District-District Special Unit, na tulungan si Victor Eusebio, ama ng nawawalang si Ron Michael Eusebio, 4th year high achool student ng Perpetual Help College at residente ng 2514 Vision St., Sta.Cruz, Maynila.
Sinabi ng matandang Eusebio na huli niyang nakita si Ron Michael noong Biyernes, kasama ang mga kaibigan nitong sina Paulo Rojo, Edward Malaga, at isang nangangalang Shine, na pumunta sa bahay ng nobya nitong si Shaine Florido.
Si Florido ang stepdaughter ni PO2 Augusto Abiong ng Manila Police District-Intelligence Unit.
Nangangamba si Eusebio na “sinalvage” umano ni Abiong ang kanyang anak dahil hang gang sa ngayon ay hindi pa nakakabalik sa kanilang bahay si Ron Michael.
Noong Biyernes ng alas-8 ng gabi, pumunta umano si Ron Michael sa bahay ni Florido sa 1370 A.H. Lacson St., Sampaloc kasama sina Rojo, Malaga at Shine pero ang biktima lamang ang pinapasok ng bahay.
Nalaman na tutol umano ang pamilya ni Abiong kay Ron Michael sa pag-aakalang pineperahan lamang nito si Florido. Nagbilin umano ang biktima sa mga kaibigan na tumawag sa kanyang ama sa sandaling hindi pa siya lumabas sa bahay ng babae sa loob ng dalawang oras.
Matiyaga naman umanong naghintay ang mga kaibigan pero, makalipas ang ilang oras, lumabas ang biktima at kumaway sa mga kaibigan pero muling pumasok sa loob ng bahay.
Gayunman, nainip ang mga kaibigan nang hindi na ito lumalabas pa kaya ipinasya nilang iwanan na ang biktima.
Hindi naman sinabi ng mga kaibigan sa ama ng biktima ang nangyari at Linggo pa nalaman ni Eusebio na hindi nakauwi ng bahay ang biktima. Nag-text siya sa cellphone ng biktima pero nag-reply ito ng “Ayos na.”
Muling tinext ni Eusebio ang kanyang anak pero nagtaka siya kung bakit iba ang mga reply nito sa kanyang cellphone. Aniya, alam niya ang style ng pagtext ng kanyang anak. Dahil dito, kinausap ni Eusebio si Abiong kung saan itinanggi nito ang akusasyong may kinalaman ito sa pagkawala ng biktima.
Sinabi ni Abiong na hindi nagpunta sa kanilang bahay ang biktima. Subalit sa ikalawang pagkakataon, sinabi naman ng pamilya ng nobya na umalis na sa kanila ang biktima at may kasamang dalawang babae.
Pinuna ni Eusebio na hindi magkakatugma ang mga pahayag ng pamilya Abiong.
Sinampahan ng kasong “kidnapping” sa Manila City Prosecutor si Abiong, Sherwin Florido at Shirley Florido, nanay ni Shaine.