Hinayjack na Nestlé products, narekober
MANILA, Philippines - Dalawang milyong halaga ng hinayjack na Nestlé product lulan ng isang 14-wheeler truck ang natagpuan ng mga awtoridad sa isang compound sa lungsod Quezon kahapon ng umaga.
Sa ulat, narekober ng pamunuan ng Anti-Carnapping Unit ng Laloma Police Station ang nasabing kargamento lulan ng isang 14-wheeler truck (RJE-305) sa may pribadong compound sa D. Tuazon corner Maria Clara St., Brgy. Lourdes, Sta. Mesa Heights sa lungsod ganap na alas-6:30 ng umaga.
Ayon sa ulat, na trace ang kinalalagyan ng naturang truck bunga ng nakakabit na Global Positioning System (GPS) dito ilang oras makaraang tangayin ng armadong kalalakihan sa may lungsod ng Caloocan.
Nabatid na pasado alas-4 ng madaling-araw nang hijackin ng pitong armadong kalalakihan ang nasabing truck sa may C-3 Road corner 7th Avenue, Caloocan City.
Ang nasabing kargamento ay pag-aari ng negosyanteng si Samuel Orenda, 47, ng old Sucat Road, San Dionisio Parañaque City. Sinasabing sakay ng isang kulay gray na Toyota Innova at dalawang motorsiklo ang mga suspek nang harangin ang naturang truck na minamaneho ni Ronnie Malaluan kasama ang helper na si Joey Batoon na may kargang produkto ng Nestlé.
Napag-alamang ang kargamento ay galing sa Meycauayan, Bulacan at nakatakdang dalhin sana sa Pier 15, South Harbor sa Manila. (Ricky Tulipat at Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending