MANILA, Philippines - Naputol ang masayang kuwentuhan ng magkakamag-anak nang lumanding sa ulo ng isang 3rd year college student ng University of Manila ang bala mula sa hindi natukoy na gunman, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Mary Jhonston Hospital ang biktimang kinilalang si Jessa Cando, 19, residente ng #188 P. Alfonso St., Balut, Tondo. Nabatid na idineklarang patay ang biktima dakong alas-12:05 ng madaling araw (Huwebes).
Malubha ring nasugatan dahil sa tatlong bala na tinamo sa likod ang isa pang biktimang si Jorge Aguilar, 24, binata, residente ng #2525 P. Pinoy St., Balut, Tondo na kasalukuyang inoobserbahan sa University of Sto. Tomas Hospital (UST).
Sa ulat ni Det. Rommel del Rosario ng MPD Homicide naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi, sa harapan ng bahay sa #185 P. Alfonso St., malapit sa panulukan ng Pinoy St., Balut, Tondo.
Hinihinalang target lamang ng di pa nakilalang namaril si Aguilar.
Bago ang insidente, and dalaga ay nakikipagkuwentuhan sa mga kaanak. Maya-maya ay nagkaroon ng komosyon sa dalawang grupo ng mga kalalakihan sa Pinoy at Alfonso Sts., hanggang sa isa sa mga lalaki diumano ang nagpaulan ng putok ng baril sa direksiyon ni Aguilar at aksidenteng natamaan sa ulo si Cando habang 3 bala ang sumapol kay Aguilar.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa kaso para matukoy ang salarin. (Ludy Bermudo)