MANILA, Philippines - Winakasan ng isang 71-anyos na lola ang sariling buhay makaraang magbigti ito sa loob ng kaniyang kuwarto, kamakalawa ng umaga sa Muntinlupa City. Matigas nang bangkay nang madiskubre ang biktimang si Teodora Mahilom, naninirahan sa 3 Solid Mills Inc. Compound, Sucat, Muntinlupa City.
Sa ulat ng Muntinlupa police, dakong alas-8:45 ng umaga nang madiskubre ng kapitbahay na si Jose Dela Cruz ang biktima. Sinabi nito na napasilip siya sa bintana ng kuwarto ng matanda at nagulat nang makita ang nakabitin na katawan ni Lola Teodora. Agad na ipinagbigay-alam naman ni Dela Cruz ang nadiskubre sa mga kaanak ng nasawi at iniulat ang insidente sa pulisya.
Natagpuan naman sa kuwarto ng nasawi ang isang “suicide note” na humihingi ng kapatawaran sa kaniyang mga anak at ikinatwiran ang pagiging pabigat umano niya sa pamilya dahil sa karamdaman nito.
Hindi naman makapaniwala ang mga kapamilya ni Lola Teodora na gagawin ng matanda ang pagpapatiwakal dahil sa masaya pa umano sila nang maghiwa-hiwalay para matulog kamakalawa ng gabi. (Danilo Garcia)