Condo, apartments ng Ampatuan sa Makati City, todo-bantay
MANILA, Philippines - Mahigpit na binabantayan ngayon ng mga tauhan ng Makati police ang mga pag-aaring condominium at apartment units ng pamilya Ampatuan sa lungsod upang hindi magamit na taguan ng mga pinaghahanap na mga suspek sa Maguindanao massacre.
Inatasan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Roberto Rosales si Makati Police chief, Supt. Cedric Train na bantayan ang dalawang condominium units na pag-aari umano ni Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa Doña Carmen Building sa Arellano Street, Brgy. Palanan, Makati.
Bukod dito, may dalawang magkatabing apartment units pa ang mga Ampatuan sa Negros St. sa naturang lungsod.
Ang pagbabantay sa naturang mga pag-aari ng mga Ampatuan ay upang matiyak na hindi dito magtatago ang mga miyembro ng “private army” ng angkan na sangkot sa karumal-dumal na pamamaslang sa higit 50 katao kabilang na ang may 30 mamamahayag.
Base sa intelligence report, bago maganap ang masaker ay madalas umanong magtungo sa condo units si Ampatuan Jr. kasama ay nasa 20 armadong mga bodyguards.
- Latest
- Trending