MANILA, Philippines - Nadiskubre ang isang granada, M-16 armalite rifle at shotgun sa loob ng isang inabandonang Pajero, malapit sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) kung saan nakapiit ang pangunahing akusado sa Nov. 23 Maguindanao massacre, sa Padre Faura, Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Sa pahayag ni Manila Police District-District Mobile Patrol Unit chief, Supt. Ferdinand Quirante, naging palaisipan ang pag kakatagpo ng nasabing mga armas at granada dahil nakataas ang heightened alert sa paligid ng NBI, kasunod na rin ng intelligence report na may 300 katao ang naka-check-in sa iba’t-ibang hotel sa Maynila, na pawang nagmula sa Mindanao, simula nang maikulong si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na dinakip dahil sa mass killing.
Dakong alas- 9:10 ng gabi nang madaanan umano ng Mobile car nina PO3 Arthur Martinez at PO2 Bernard Alcantara ang isang kulay puting Mitsubishi Pajero na may plakang EMS-533 sa kanto ng Leon Guinto at P. Faura, na kahina-hinala ang pagkaparada.
Nang lapitan ay walang tao ang sasakyan habang naispatan sa loob nito ang isang granada, M-16 rifle sa front passenger seat at shot gun sa likurang bahagi ng sasakyan. Natuklasan din na loaded ng 8 bala ang armalite at ang shotgun din ay kargado ng bala.
Rumesponde rin ang Scene of the Crime Operatives na nakakuha ng official receipt sa loob ng sasakyan na nakapangalan sa isang Cesar Betera, residente ng no. 39 Carmela Ave nue, Project 6, Quezon City, na tumutugma umano sa plaka ng Pajero. Iniimbestigahan na ng pulisya ang nasabing indibiduwal.
Samantala, dinagdagan pa ang itinalagang security personnel na magbabantay sa paligid at loob ng NBI matapos ang nasamsam na mga armas at granada. Aminado si Regional Director Ricardo Diaz, hepe ng Counter Terrorism Unit (CTU) at tagapagsalita ng NBI, na hindi nila ipinagwawalang-bahala ang insidente sa isyu ng seguridad.
Bunsod nito, hindi na pinapayagan ng NBI ang anumang behikulo na pumarada sa harap ng NBI headquarters, sa kahabaan ng Taft Avenue. Ermita. (Ludy Bermudo)