MANILA, Philippines - Binurdahan ng saksak sa katawan ang isang 39-anyos na art painter ng hindi pa nakikilalang salarin habang natutulog ang una kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Tatlong saksak sa leeg at 13 sa likod ang tinamo ng biktimang si George Bagtas, ng Lilac corner Bonifacio St., Vitas, Tondo, nang matagpuan ng kaniyang ina.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-5:00 ng hapon nang madiskubreng patay na ang biktima ng kanyang ina na si Pacencia Bagtas sa loob ng kanilang bahay.
Nauna dito, dakong 11:00 noong Lunes ng gabi ay nag-inuman ang biktima at kaibigan nitong si Kenneth Magcasi, 17, binata at kapitbahay nito.
Natapos ang kanilang inuman dakong ala-1:00 ng madaling-araw at iniwan na lamang ni Magcasi ang biktima hanggang sa nakatulog ito.
Dakong alas-5:00 ng hapon nang dumating naman si Aling Pacencia kung saan nadiskubre na wala ng buhay ang anak.
Bukod sa tinamong mga saksak, nawawala rin ang Nokia N70 na cellphone ng biktima. (Ludy Bermudo)