Ginang hulog mula 11th floor ng condo, lasog

MANILA, Philippines - Iniimbestigahan nga­yon ng Makati Police   kung sadyang nagpati­wakal o aksidenteng na­laglag buhat sa ika-11 palapag ng condominium building ang isang Filipino-American na ginang kahapon ng hatinggabi sa Makati City.

Nabasag ang bungo at bali-bali ang buto sa katawan ng biktimang nakilalang si Milaflor Milan, isang real estate broker at naninirahan sa no. 12 Diamond St., Las Piñas City.

Sa ulat ng pulisya, na­batid na dakong alas-12 ng hatinggabi nang ma­tag­puan ng security guard na si Delfin Diego ang bangkay ng biktima sa likurang bahagi ng Asian Mansion 2 Condo­hotel sa panulukan ng Dela Rosa at Nieva St., Legaspi Village, ng na­turang lungsod.

Sa salaysay ni Diego, nag-check-in sa hotel ang ginang kamakalawa ng hapon kung saan tumuloy ito sa Room 1109 sa ika-11 palapag ng gusali.

Nasa lobby siya ng hotel nang makarinig ng malakas na lagabog buhat sa likuran kaya agad niya itong tinungo. Dito niya natagpuan ang biktima na nakasubsob at duguan sa semento sa pagitan ng dalawang nakaparadang sasakyan.

Isang malalimang imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng pulisya sa mga emple­yado ng naturang hotel kung saan layong masa­got ang mga katanungan kung may kasama ang biktima nang pumasok sa hotel, sinadya ba itong paslangin o kusang nag­patiwakal. (Danilo Garcia)

Show comments