Ginang hulog mula 11th floor ng condo, lasog
MANILA, Philippines - Iniimbestigahan ngayon ng Makati Police kung sadyang nagpatiwakal o aksidenteng nalaglag buhat sa ika-11 palapag ng condominium building ang isang Filipino-American na ginang kahapon ng hatinggabi sa Makati City.
Nabasag ang bungo at bali-bali ang buto sa katawan ng biktimang nakilalang si Milaflor Milan, isang real estate broker at naninirahan sa no. 12 Diamond St., Las Piñas City.
Sa ulat ng pulisya, nabatid na dakong alas-12 ng hatinggabi nang matagpuan ng security guard na si Delfin Diego ang bangkay ng biktima sa likurang bahagi ng Asian Mansion 2 Condohotel sa panulukan ng Dela Rosa at Nieva St., Legaspi Village, ng naturang lungsod.
Sa salaysay ni Diego, nag-check-in sa hotel ang ginang kamakalawa ng hapon kung saan tumuloy ito sa Room 1109 sa ika-11 palapag ng gusali.
Nasa lobby siya ng hotel nang makarinig ng malakas na lagabog buhat sa likuran kaya agad niya itong tinungo. Dito niya natagpuan ang biktima na nakasubsob at duguan sa semento sa pagitan ng dalawang nakaparadang sasakyan.
Isang malalimang imbestigasyon ngayon ang isinasagawa ng pulisya sa mga empleyado ng naturang hotel kung saan layong masagot ang mga katanungan kung may kasama ang biktima nang pumasok sa hotel, sinadya ba itong paslangin o kusang nagpatiwakal. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending