MANILA, Philippines - Patay agad ang isang estudyante habang sugatan naman ang kanyang kapitbahay makaraang suyurin sila ng isang pampasaherong jeepney habang nakatayo sila sa bangketa sa Payatas Road sa Quezon City, iniulat kahapon.
Kinilala ang nasawi na si Gefferson Soriquez, 15, 3rd year student sa Justice Cecilia Muñoz Palma High School.
Sugatan naman ang kapitbahay nito na si Rayson Tano, 17, na nagtamo lamang ng galos at maliit na sugat sa katawan.
Kusa namang sumuko sa Traffic Sector 5 ang driver ng jeepney na si Gary Ruiz, 38.
Ayon sa ulat ni PO3 Venus Ormita ng Traffic Sector 5, pasado alas-7:00 ng gabi nang maganap ang sakuna sa kahabaan ng Payatas road.
Matuling tinatahak ng jeep na minamaneho ni Ruiz ang lugar patungo sa direksiyon ng Montalban kung saan pagsapit sa Rolling Hills St., Purok 7, Bagong Silangan ay biglang nawalan ito ng preno at tinahak ang bangketa.
Nagkataong nakatayo at nagkukuwentuhan sa bangketa ang mga bik tima nang salpukin sila ng jeepney. (Ricky Tulipat)