MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipag-ugnayan ang Metropolitan Manila Development Authority sa Department of Social Welfare and Development para sa planong pagdampot at paglilinis sa mga kalsada ng Metro Manila sa nagkalat na mga pulubi ngayong nalalapit ang Kapaskuhan.
Sinabi ni MMDA General Manager Robert Nacianceno na nagbuo na ng Task Force si Chairman Oscar Inocentes na makikipag-ugnayan sa DSWD upang damputin ang lahat ng mga pulubi at palaboy sa mga pangunahing lansangan na labis na nagdudulot ng panganib, hindi lamang sa kanilang buhay kundi maging sa mga motorista.
Bukod sa mga dating palaboy ng Metro Manila, dagsa na rin ngayon ang mga pulubing Badjao na pumapasok pa sa mga pampasaherong bus at jeep at kumakanta, at mga Igorot na matatanda.
Sinabi ng MMDA na maraming motorista at pasahero ng pampublikong sasakyan ang nagrereklamo sa araw-araw na pang-iistorbo sa biyahe ng naturang mga namamalimos kung saan marami ang natatakot sa pansariling kaligtasan habang nanganganib rin ang buhay ng mga namamalimos dahil sa walang takot na paggitna sa mga kalsada kasama pa ang mga sanggol na anak.
Batay sa rekord ng MMDA, dalawa na ang naitatalang nadisgrasyang namamalimos sa lansangan dahil hindi namalayan ng motorista ang ginagawa nilang panghaharang sa lansangan upang humingi ng limos.
Bukod dito, hindi aniya maganda sa pananaw ng mga dayuhang turista na tiyak na daragsa ngayong panahon ng Kapaskuhan ang makikitang panghaharang sa lansangan ng mga palaboy at pulubi sa lansangan na makakasira sa imahe ng bansa.
Tatalakayin rin naman ng MMDA ang pagsasagawa ng aksyon laban sa mga nagpapanggap na mga “religious groups” na dating pumapasok sa mga bus ngunit ngayon ay sa mga pampasaherong jeep na rin at nanghihingi ng solisitasyon sa mga pasahero. (Danilo Garcia)