MANILA, Philippines - Arestado ang tatlong lalaki na responsable sa paggawa ng mga pekeng P1,000 at P500 bills matapos ang isang buy bust operation sa mismong pagawaan sa Sta. Cruz, Maynila.
Kinilala ang mga suspect na sina Richard Dan, alyas Richard Tang, 38; Ricky Chan alyas Iking, 45; at Roel Yacob alyas Richard, 41.
Inihahanda na ang kasong illegal possession and use of false treasury o bank notes and other instruments of credits laban sa mga suspect. Ang tatlo ay pinaniniwalaang nagpapakalat ng pekeng pera sa Metro Manila.
Ayon sa ulat unang bumili ang poseur-buyer ng tatlong pirasong P500 bills sa halagang P150 bawat isa. Muli itong nasundan kung saan 20 piraso naman ang binili ng poseur-buyer at dito na isinagawa ang pag-aresto sa mga suspect.
Si Dan ang manufacturer at may-ari ng printing machines na ginagamit sa paggawa ng fake money bills habang sina Chan at Yacob ang gumagawa at nagsisilbing sales agents. (Doris Franche)