Ospital nasunog: 5 pasyente patay
MANILA, Philippines - Limang pasyente ng East Avenue Medical Center (EAMC) na kinabibilangan ng dalawang sanggol at tatlong lalaki na may malubhang sakit ang namatay kahapon ng umaga matapos na ilabas sa nasusunog na pagamutan.
Ayon kay Dr. Roland Cortez, EAMC director ang limang nasawi ay kabilang sa may 600 pasyente na kanilang nailabas mula sa pagamutan ng maganap ang sunog at lamunin ng apoy ang tanggapan ng purchasing at supply na matatagpuan sa basement ng gusali.
Kinilala ang mga nasawi na sina Baby girl Fortadiz, Baby boy Nota, Rommel Javier, 14, may sakit na blunt abdominal trauma; Luis Cencil, 30, may sakit na colonic interposition; Joanalyn Baruza, 28, na may sakit na uremia.
Napag -alaman pa kay Dr. Cortez na dahil sa naganap na sunog pasado alas-9:30 ng umaga kahapon dahilan para mabulabog ang may 1,281 mga empleyado ng pagamutan kabilang na ang mga pasyente at bantay ng mga ito.
Bagamat agad na naapula ang apoy ng mga rumespondeng bumbero hindi naman nakayanan ng mga nasawing pasyente ang naging sitwasyon sa pagamutan sa nagaganap na sunog.
Kaugnay nito, sinabi ni Major San Diego ng Bureau of Fire Protection (BFP) na patuloy na iniimbestigahan ng tanggapan ang ugat nang naganap na sunog sa basement ng EAMC.
Hindi naman isinantabi ng mga awtoridad ang posibleng faulty electrical wiring o sinding sigarilyo na maaring itinapon sa bodega ng supply office na imbakan ng mga papeles at mga materyales ng ospital ang ugat ng sunog.
“Nasa ospital kami para magpagamot, pero hindi namin akalain mamamatay ka dito hindi sa sakit kundi sa nagaganap sa paligid, ito nga ay dahil sa naganap na sunog sa ospital” pahayag ng ilang kaanak ng mga biktima ng insidente.
- Latest
- Trending