MANILA, Philippines - Tatlong pinaniniwalaang karnaper na dawit din sa pagsalvage sa tatlong binatilyo ang nasawi makaraang makipagpalitan ng putok sa mga awtoridad habang papatakas sakay ng getaway na isang Isuzu Crosswind sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Isa sa tatlong nasawi ay kinilala sa alyas na “Polkat”, 25-30, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa nitong kasama. Ayon sa pulisya, bukod sa kasong carnapping, ang tatlo ring suspek ang itinurong pumatay sa 15- anyos na Efren Cabacungan, out of school youth at residente ng Acapulco St., Block 5, Payatas A, na itinapon ang bangkay sa may kanal ng Motorolla St., corner Payatas Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod nitong Huwebes ng alas-7 ng umaga.
Si Cabacungan ay pinaniniwalaang runner o utusan ng mga suspek sa kanilang sindikato at marami nang nalalaman sa grupo kung kaya pinatay ito. Ganap na ala- 1 ng madaling-araw nang mangyari ang engkwentro sa pagitan ng mga suspek at mga operatiba ng Police Station 6 ng QCPD sa may tapat ng Sandiganbayan, Commonwealth Avenue sa lungsod.
Samantala, matapos ang engkwentro, dalawang teenager na out of school youth din na biktima ng salvaging ang natagpuan sa may Litex Road, corner Payatas Road, Brgy. Commonwealth, pasado alas-7 ng umaga, ilang hakbang lang ang layo sa Motorolla St. kung saan itinapon ang bangkay ni Cabacungan.
Nakilala ang mga ito na sina Vincent Mahilom, 14, at Albino Crisostomo, 15, Block 5, Gravel Pit, Brgy. Payatas sa lungsod.
Pawang mga nakagapos ang mga kamay at paa ng dalawa, at tadtad ng tama ng saksak sa kanilang mga katawan nang matagpuan ng mga residente sa nasabing lugar habang nakasilid sa sako.
Ayon pa sa pulisya, posibleng may kinalaman din ang mga suspek sa dalawang bangkay ng teenager na itinapon sa lugar na tulad ng ginawa nila kay Cabacungan.