MANILA, Philippines - Isang 15-anyos na binatilyo ang nasawi matapos na pagbabarilin sa ulo ng grupo ng mga kalalakihang miyembro ng gang sa lungsod Quezon, ayon sa pulisya kahapon.
Si Efren Cabacungan, out of school youth ng Acapulco St., Block 5, Payatas A, sa lungsod ay nakita na lamang duguang nakahandusay sa may kanal sa Motorolla St., corner Payatas Road, Brgy. Commonwealth sa lungsod pasado alas- 7 ng umaga.
Ayon sa report, gang rivalry ang sinasabing ugat ng pamamaril sa biktima.Sinasabing bago nakita ang bangkay ng biktima, nakasama umano ang biktima sa isang grupo ng gang na nakipagrambulan sa isa ring grupo ng mga kabataan sa may Molave St., ilang metro ang layo sa pinagtapunan dito pasado alas-4 ng madaling-araw.
Matagal na umanong problema ng mga residente ang madalas na gang war na nangyayari sa kanilang barangay na kinakasangkutan ng mga kabataan na mistulang nagsisiga-sigaan dito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng awtoridad sa nasabing insidente. (Ricky Tulipat)