MANILA, Philippines - Aabot sa P2 milyong halaga ng kagamitan sa pagpapaganda ang natangay sa isang Dermatology clinic matapos na looban ng hindi nakikilalang mga suspect sa lungsod Quezon, iniulat kahapon.
Dumulog sa tanggapan ng Criminal Investigation and Detective Management Unit ng Quezon City Police ang may-ari na si Nicole Jennifer Yu, 33, ng Solar St., Bel-Air In, Makati City, upang magreklamo.
Ayon sa salaysay ni Yu, nadatnan na lamang niyang nawawala ang isang unit na Harmony-Aria intense pulse light machine na halagang P2,000,000; at isang unit ng con-med centery Hypercator machine P100,000, pagpasok niya sa kanyang klinikang Nellie T. Yu Clinic na matatagpuan sa Unit 101-A, ground floor ng Imperial Palace, Timog Avenue corner Tomas Morato Avenue, Brgy. South Triangle sa lungsod nitong Lunes ng ala-1 ng hapon.
Sinabi ng biktima na iniwan niyang nakasarado ang klinika nitong nakaraang Biyernes ng alas-5:30 ng hapon, kaya nagulat na lang siya nang pagbalik niya para pumasok ay nawawala na ang nasabing kagamitan.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, wala namang nakitang bakas ng puwersahang pagpasok. Maging ang pangunahing pintuan sa likuran ng unit ay intact. Dahil dito, hinihinalang ginamitan ng ibang susi ang padlock ng pintuan para mabuksan ito at makapasok ang magnanakaw.
Samantala, hinihinala naman ng awtoridad na posibleng inside job ang pangyayari dahil walang nakitang bakas na puwersahang pagpasok dito. (Ricky Tulipat)