MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Makati Regional Trial Court ang kasong rebelyon laban kay dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Governor Nur Misuari at sa pito pang opisyal ng Abu Sayyaf Group (ASG).
Sa 10-pahinang desisyon ni Makati RTC Branch 59 Judge Winlove Dumayas, bukod kay Misuari pinawalang sala rin sina Bakil Annay Harun, Johan Sawasjan San Sanzibar, Akil Abdurahman Abdur, Addin Esguerra Ismail, Gamar Bin Abd Razak, Omar Bin Abdullah at Abu Harris Usman.
Ito’y matapos na paboran ni Judge Dumayas nitong Hulyo 10 ang apela ni Misuari at mga kapwa akusado na ipawalang-bisa ang mga ebidensyang inihain laban sa kanila.
Nag-ugat ang kaso makaraang salakayin umano ni Misuari at mga kapwa akusado ang kampo ng military sa may Busbus, Jolo, Sulu noong Nobyembre 19, 2001. Pinaulanan umano ng mga ito ng mortar , grenade launchers at bala ang naturang kampo na nagresulta sa pagkasawi ng ilang katao at pagkasira ng mga ari-arian ng pamahalaan.
Sinabi ni Dumayas na nabigo umano ang panig ng prosekusyon na patunayan ang pagkakasala ni Misuari, dating Chairman rin ng Moro National Liberation Front (MNLF), “beyond reasonable doubt”.