MANILA, Philippines - Isang 45 anyos na tricycle driver na inaresto dahil sa pananakit sa isang walong-taong gulang na batang lalake ang nasawi makaraang bugbugin umano ng dalawang barangay tanod na umaresto sa kanya sa Quezon City kamakailan.
Kinilala ang biktima na si Joebert Estellore, may-asawa ng # Area 6, Sitio Cabuyao, Barangay Sauyo, Novaliches, Quezon City.
Ayon sa ulat, si Estellore ay nasawi nang dalhin ng mga operatiba ng Quezon city Police District-Station 4 sa Nova District hospital dahil sa naranasang pananakit ng dibdib at pagkahilo.
Bago nito, si Estellore ay inireklamo ng kasong paglabag sa Republic Act 7610 o child abuse na isinampa ng isang walong-taong gulang na special child na itinago sa pangalang Bitoy noong Sabado. Dahil sa reklamo, dinampot si Estellore ng mga barangay tanod at dinala sa presinto. Sinasabing dinala muna umano ang biktima sa Quezon City General hospital para ipasuri ang kalusugan nito.
Nang bisitahin si Estellore ng kanyang kapatid na si Josephine Chavez, at anak na si Joy sa presinto kinalaunan, inireklamo niya ang pananakit ng kanyang dibdib at pagkahilo. Sinabi ng dalawang babae sa mga pulis ang problema kaya isinugod sa ospital si Estellore bandang alas-5:37 ng Linggo ng umaga kung saan ito idineklarang patay.
Sa pagsisiyasat, lumilitaw na nagtamo ng injury sa batok at mga abrassions sa kaliwang dibdib ang biktima na siyang ikinamatay nito. (Ricky Tulipat)