MANILA, Philippines - Halagang $50,000 at P8,800 cash ang natangay sa mag-asawang United States immigrant matapos na mabiktima ng Budol-Budol Gang ang kanilang pinagkakatiwalaang kasambahay sa Barangay Tatalon, Quezon City.
Ang insidente ay nabatid makaraang magtungo sa himpilan ng Criminal Investigation and Detective Unit ng Quezon City Police District ang kasambahay na si Maria Marsina Pabon, 45, dalaga, stay-in sa isang condominium sa may N. Domingo St., Barangay Valencia sa naturang lunsod para pormal na magreklamo.
Si Pabon ay namamasukang katulong ng mag-asawang Regenand Gno at Alilae Gno na 20 years nang migrante sa Virginia, USA at may-ari ng nasabing condominium.
Nangyari umano ang insidente nang ibigay ni Pabon ang nasabing salapi sa isang miyembro ng sindikato sa may Araneta Avenue malapit sa Funeraria Paz, Barangay Tatalon kamakalawa ng hapon.
Nauna rito, tinawagan si Pabon sa telepono ng isang babae na nagsabing ang kanyang amo ay naaksidente sa Virginia USA at dinala umano sa Makati Medical Center.
Para maibigay ang detalye ay iniwan pa ng babaeng suspek ang kanyang cellphone number para sakaling magreturn call ito.
Dahil hindi mapakali, nagpasya si Pabon na tawagan ang iniwang cellphone number kung saan ay sumagot ang isang lalake at inutusan siya na kunin ang pera na nakalagay sa drawer sa master’s bedroom dito at ilagay sa brown envelope.
Matapos nito ay sinabihan ng lalakeng caller si Pabon na dalhin ang pera sa may naturang lugar kung saan niya ito kukunin na siya namang nangyari.
Nang makuha ng suspek ang envelope ay iniwan na lamang ang biktima na agad namang nagduda kung kaya nagpasya itong magtungo sa Galas Police Station at magreklamo. (Ricky Tulipat)