MANILA, Philippines - Isang 41-anyos na empleyada ang inaresto ng pulisya dahil sa umano’y pagnanakaw ng mahigit P1 milyon sa pinapasukan niyang bar sa Barangay Sta. Cruz, Quezon City.
Kinilala ang suspek na si May Osorio, may-asawa, accounting clerk ng Queens Castle Bar na nasa Gen. Lim St., Barangay Sta. Cruz at pag-aari ng 38-anyos na negosyanteng si Rolando Villanueva.
Ayon kay SP01 Mario Turiano ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, nahuli ang suspek dakong alas-6 ng umaga sa loob ng naturang bar. Sinasabing, noong Nobyembre 22, natuklasan ni Villanueva na nawawala na ang P1,300.000 na kinita ng bar saka hindi na umano nagpapakita pa ang suspek.
Ilang araw ang nakalilipas, inutusan naman ni Villanueva si Mariano Dolores, guwardiya ng establisimento, na kontakin ang suspek at dito kinumbinsi ang huli na lumutang sa naturang lugar para ayusin ang nangyaring gusot.
Nakipagkita naman ang suspek kay Dolores na naging dahilan para bitbitin siya nito patungo sa istasyon ng pulisya.
Sa pulisya, inamin ng suspek ang nagawang kasalanan dahil na rin daw sa kagipitan nito at maraming utang na dapat bayaran. (Angie dela Cruz)