Budol-Budol gang sumalakay; lola natangayan ng P1.5 milyon
MANILA, Philippines - Pinag-iingat ngayon ang publiko sa iba’t-ibang paraan ng pag-atake ng masasamang elemento na nagsasamantala sa panahon ng kapaskuhan matapos ang pinakahuling pag-atake ng ‘Budol-budol gang’ na bumiktima sa isang 72-anyos na lola na natangayan ng P1.5 milyon halaga ng cash at alahas kamakalawa ng hapon sa Tondo, Maynila.
Dumulog sa Manila Police District-General Assignment Section ang biktimang si Belen Evangelista, ng 2286 Malaya St., Balut, Tondo.
Sinabi ni Evangelista na naglalakad siya sa Dimasalang St. nang lapitan ng isang lalaki na nagpanggap na may hinahanap na address at may hawak na delivery receipt para sa idedeliber na corned beef diumano.
Nang nakikipag-usap siya ay may lumapit pang isang babae na nagpanggap naman na isa siyang titser at nagprisinta na alam niya ang address na hinahanap ng lalaki kaya pinayuhan umano ng biktima ang lalaki na ang guro na lamang ang sumama sa kaniya.
Binola pa umano siya ng lalaking suspek at sinabihan na mas may tiwala siya sa lola hanggang sa naging sunud-sunuran siya sa mga utos ng suspek na lalaki at sumakay umano sila sa isang asul na kotse.
Hindi na rin umano mawari ng lola kung bakit nakumbinse siya ng mga suspek na kinabibilangan ng dalawa pang lalaking suspek at dalawang babae, kabilang ang kasabwat na napakilalang titser, para mag-withdraw ng pera sa bangko at pinangakuan na kikita ng malaki depende sa laki ng halagang maiwi-withdraw.
Bilang pang-uto ay pinangakauan siya ng halagang P250,000 bilang pabuya o komisyon kaya naiwithdraw niya ang P500,000 at inilagay sa itim na bag, sa utos ng mga suspek.
Bukod sa pera, pinahubad din umano siya ng mga suot na alahas upang hindi mawala at ikinandado pa sa bag na itim at ibinigay sa biktima ang bag na nakakandado at sinabihang umuwi sa kanilang bahay upang hintayin ang ihahatid na komisyong P250,000.
Ibinaba siya mula sa kotse sa tapat ng isang mall at umuwi siya ng bahay hanggang sa sumapit ang gabi ay hindi naman dumating ang mga suspek para sa hinihintay na P250,000.
Napilitan siyang buksan ang nakakandadong bag at natuklasang wala na ang mga pera niya at mga alahas dahil pawang ginupit-gupit na papel at dyaryo ang nasa loob nito. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending