MANILA, Philippines - Inaresto ng mga tauhan ng Parañaque City Police ang sinasabing dating bodyguard ni Autonomous Region for Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan makaraang ireklamo ng panggagahasa sa isang 22-anyos na dalaga kahapon ng umaga sa lungsod na ito.
Nakilala ang inarestong suspek na si Isagani Aranda, 31, dating miyembro ng Philippine Marines at naninirahan sa #92 D. Tuazon St., BF Homes, Parañaque City. Inaresto siya sa loob ng kanyang bahay dakong alas-10 ng umaga.
Nabatid na unang inireklamo si Aranda ng biktimang itinago sa pangalang Jenny sa Police Community Precinct 5 ng Parañaque police. Sa salaysay ng biktima, tatlong beses umano siyang ginahasa ng suspek sa paulit-ulit na pagpasok sa kanyang kuwarto sa #95 D. Tuazon St. na katabing bahay lamang ng tirahan ng suspect.
Ayon sa biktima, nangyari ang unang panghahalay ni Aranda noong Nobyembre 13 nang pasukin siya sa servants quarter at muling naulit noong Nobyembre 14 at 15 ng kasalukuyang taon.
Matapos na arestuhin, mismong si Aranda pa umano ang nagsabi na dati siyang bodyguard ni Ampatuan.
Hindi umano kaagad nakapagreklamo si Jenny sa takot na totohanin ng suspek ang banta nito na papatayin siya lalo na’t sa tuwing mangyayari ang panggagahasa ay armado ng baril ang dating sundalo na itinututok sa kanya.
Ipinasa naman ng PCP 5 ang kaso sa Parañaque-Women and Children Protection Center upang sila na ang magpatuloy ng imbestigasyon. (Danilo Garcia)