Kotse ng apo ng PDEA director salpok sa poste, sugatan
MANILA, Philippines - Dahil sa umano’y problema sa pag-ibig, nawalan ng kontrol sa pagmamaneho ang babaeng apo ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Dionisio Santiago kung saan sumalpok ang sinasakyan nitong kotse sa isang poste sa tapat ng St. Paul College, kamakalawa ng madaling-araw sa Pasig City.
Mismong si ret. General Santiago pa ang personal na nagsugod kasama ang mga miyembro ng Pasig Rescue Team sa pagamutan sa biktimang si Monica Rivera, at residente ng Makati City.
Sa inisyal na ulat, naganap ang aksidente sa kahabaan ng St. Paul St., sa Brgy. Ugong, Pasig City. Nabatid na may kausap umano sa cellphone ang biktima nang mawalan ng kontrol at bumangga sa isang poste sa tapat ng St. Paul College ang kanyang minamanehong Toyota Vios.
Dito tuluyang natumba ang naturang poste kung saan nagkaroon ng “domino effect” nang bumagsak din ang dalawa pang poste sa naturang kalsada. Nabagsakan naman ng mga kable ng kuryente ang taxi na minamaneho ni Juan Recto na sandaling naipit sa loob ng sasakyan.
Masuwerte namang agad na naputol ang suplay ng kuryente sa naturang linya kaya naiwasang makuryente si Recto habang nasa loob ng taxi. Agad namang rumesponde sa aksidente ang mga miyembro ng Ugong Rescue Team na tumulong kina Recto at Rivera.
Nagdulot naman ang aksidente ng “brown-out” sa naturang lugar kung saan sinuspinde rin kahapon ang pasok ng mga mag-aaral sa St. Paul College. Sinabi ni Santiago na pauwi na ang kanyang apo sa Makati City nang mawalan ng kontrol sa pagmamaneho. Ito mismo ang nagbulgar na problema sa pag-ibig ang dahilan ng aksidente dahil sa nawala sa sarili ang apo matapos na makipaghiwalay sa kanyang nobyo.
Ayon naman sa isang rescuer, inamin umano ni Rivera na nakainom siya. Pinag-aaralan pa naman ngayon ng mga awtoridad kung ano ang maaaring isampang kaso laban kay Rivera. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending