MANILA, Philippines - Sumama na rin sa mga kandidatong nagnanais na makasungkit ng puwesto sa Senado si dating Southern Police District (SPD) director ret. General Romeo Maganto matapos na pormal na magsumite ito ng kanyang kandidatura sa Commission on Elections (Comelec).
Kasama ang kanyang mga taga-suporta na ang iba’y nanggaling pa sa Visayas at Gen. Santos City sa Mindanao, naghain ng kandidatura bilang indipindiyente si Maganto dakong alas-10 ng umaga na halos kasabay ng pagdating din ni Senator Lito Lapid na maagang naghain din ng kanyang kandidatura bilang Senador sa ilalim ng partidong Lakas-Kampi.
Sinabi ni Maganto na ipinasiya niyang tumakbo sa Senado bilang indipindiyente dahil ayaw niyang umanib sa alinmang partido na pawang malalapit niyang kaibigan at ka-alyado ang mga namumuno.
“Malapit ako sa administrasyon at gayundin sa oposisyon, alam naman ng lahat na isa ako sa nagtanggol sa administrasyon ni dating Pangulong Cory Aquino at naging mabuti rin naman sa akin ang kasalukuyang administrasyon kaya minabuti kong huwag ng umanib sa anumang partido,” pahayag ni Maganto.