MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon matapos na kanselahin ang “price freeze”, muling nagtaas ng presyo ng kanilang mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis si mula kahapon ng madaling-araw.
Sa kabila ng umiiral na deregulasyon sa mga produkto ng langis, pare-parehong nagpatupad ng P1.50 kada litrong pagtataas sa mga produktong diesel, gasoline at kerosene ang Pilipinas Shell, Petron Corp., Chevron Phils., Total Oil Corp., Eastern Petroleum at Flying V.
Nabatid na pinakaunang nagtaas ng produkto dakong alas-6 kamakalawa ng gabi ang Total, habang sumunod naman dakong alas-12:01 ng madaling-araw ang Shell, Eastern Petroleum at Flying V. Sumunod naman dito ang Petron at Chevron dakong alas-6 ng umaga kahapon.
Wala namang ibinigay na dahilan ang mga kompanya ng langis sa panibagong pagtataas bukod sa sinasabing pagbabawi ng kanilang lugi makaraan ang pagpapatupad ng Executive Order 839 ng pamahalaan.
Ito na ang ikalawang round ng pagtataas base sa napagkasunduang “staggered basis” sa pagitan ng oil companies at Department of Energy.
Unang nagtaas ang mga kumpanya ng langis nitong Nobyembre 18 ng P1.50 kada litro sa gasolina at kerosene at P2 sa diesel.
Dahil dito, may P3 na ang kabuuang halaga na naitaas kada litro ng gasolina at P3.50 sa diesel. Una nang sinabi ng mga oil companies na aabot umano sa P4.50 ang maaari nilang itaas ngunit inunti-unti makaraan ang pakiusap ng pamahalaan. Inaasahan pang may mga susunod pang pagtataas ang mga kumpanya ng langis bago magtapos ang buwan ng Nobyembre. (Danilo Garcia)