Vintage bomb natagpuan
MANILA, Philippines - Nabulabog ang mga residente sa isang lugar sa lungsod Quezon makaraang matagpuan sa basurahan ang isang vintage bomb kahapon ng umaga.
Dahil sa pag-akalang posibleng sumabog ito anumang oras, nagsipagtakbuhan ang mga taong malapit sa lugar lalo pa nang makita ang bomba na kinakalawang na.
Agad namang dumating ang tropa ng Disposal Ordnance Division (DOD) ng QCPD, at sinimulang ilagay sa ligtas na lugar ang nasabing bomba.
Pasado alas-5 ng umaga nang matagpuan ang bomba sa may basurahan sa Belmont Place Bldg, Anonas Ave. cor. Aurora Blvd., Brgy. Quirino, sa lungsod.
Ayon sa bomb disposal team, 81 mm mortar bomb na ginamit pa noong World War II ang bomba at hindi naman kaagad sasabog ito kung hindi mapupuntirya ng matigas na bagay.
Ngunit malaking disgrasya rin umano ang maaaring mangyari sa sandaling sumambulat ito. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending