MANILA, Philippines - Winakasan ng isang bagitong pulis ang sariling buhay makaraang magbaril sa sarili dahil sa hinihinalang kabiguan sa pag-ibig, kamakalawa ng madaling-araw sa Makati City.
Sa naantalang ulat, nakilala ang nasawi na si PO1 Aris Khristopher Joseph Fernandez, 27, binata, nakatalaga sa Makati City Police Mobile Patrol Unit at naninirahan sa Crisostomo St., Sampaloc, Maynila.
Nabatid na naganap ang pagpapatiwakal dakong ala-1:33 ng madaling-araw noong Linggo sa tapat ng Tawishi Bar and Restaurant sa may Dela Rosa Avenue sa Brgy. Pio del Pilar, ng naturang lungsod.
Ayon sa mga saksi, mag-isa umanong umiinom ng alak ang biktima hanggang sa lumabas ng bar. Dito inilabas ng nasawi ang kanyang cal. 9mm service firearm at itinutok sa ulo saka pinaputok. Naisugod pa sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit hindi na rin naisalba ang buhay nito.
Ayon sa ilang saksi, isang babae umano ang nakatalo ng biktima sa loob ng naturang bar bago ito nagbaril sa sarili. Ito rin umano ang babae na nagpapalahaw ng iyak makaraang matukla san ang duguang katawan ni Fernandez.
Nagsasagawa pa rin naman ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang makilala ang naturang babae at makapagbigay ng pahayag para malinawan ang ugat ng naturang pagpapatiwakal.