Pasyente nangulila, sarili hinostage
MANILA, Philippines - Dahil sa pagpapabaya ng mga kaanak, nagawang ihostage ng isang pasyente ng Central Luzon Drug Rehabilitation Center ang kanyang sarili sa Pampanga, nang-agaw ng sasakyan at bumiyahe hanggang sa Pasay City kung saan ito napasuko ng mga awtoridad kahapon ng umaga.
Umabot ng higit tatlong oras ang negosasyon bago tuluyang sumuko ang 34 anyos na si Christopher Zamora, binata. Nabawi sa kanya ang kalibre .9mm na gamit nito sa pagbabanta sa pagbaril sa kanyang sarili.
Sa ulat ng Pasay police, humingi umano ng OB pass (Official Business) si Zamora sa mga opisyales ng CLDRC sa Magalang, Pampanga upang personal na madalaw nito ang kanyang pamilya na mahigit isang taon nang hindi dumadalaw sa kanya mula nang ipasok siya sa rehabilitation center. Tinanggihan umano ito ng CLDRC sanhi upang lalong tumindi ang pagka-aburido nito sa buhay.
Kahapon ng umaga, nakakuha ng tiyempo si Zamora nang makuha ang baril ng isa sa mga bantay ng rehabilitation center na si PO3 Jonathan Magcalas na naiwan nito sa hindi nakakandadong locker nito. Nagawa pang tutukan ng baril ni Zamora si Magcalas at tatlong beses na nagpaputok sa mga rumespondeng tauhan ng Magalang police station.
Dakong alas-8 ng umaga nang puwersahang pinasakay pa ni Zamora ang pulis na si Magcalas sa kotse nitong Mitsubishi Lancer (UDY-416), sapilitang pinagmaneho ito at nagpahatid sa bahay ng kanyang tiyahin sa no. 22 Leonardo Street, Pasay City.
Bandang alas-10 na ng umaga nang makarating sina Zamora at Magcalas sa Pasay kung saan agad na bumaba ng kotse ang una at itinutok ang baril sa bunganga. Dito na ito nagkulong sa bahay ng kanyang tiyahing si Anita Nacion kung saan nagbanta na papatayin ang sarili kung puwersahang papasukin siya.
Tuluyang sumuko si Zamora sa pulisya makaraang ipangako sa kanya na ipapaalam sa ina at mga kapatid nito ang kanyang pangungulila at gagawan ng paraan upang magkita sila. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending